Buod ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Buod ng Banaag at Sikat



ni Lope K. Santos
Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan
 ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang 
presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng
 pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid 
at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na 
manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal na
 dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil na si 
Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang
 mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan ay
 nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay
 sa kanyang pagiging anarkista.

Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, 

ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at
 patas na ginhawa sa buhay.

Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya

 sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan.
 Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating
 pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal,
 sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.

Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang

 pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan 
sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, 
nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak 
sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang
 ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat 
sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.

Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin

 sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang
 pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng
 iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga
 simulain ng sosyalismo.

Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may

 asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang 
abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, 
isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema
 ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay 
ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at
 sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.

Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at 

naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang
 anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang
 pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. 
Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa 
magbinhi ang kanilang pagmamahalan.

Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito 

naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. 
Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin,
 Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa
 dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.

Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. 

Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga
 damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na 
dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang 
maitakip sa pangangailangan.

Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan

 ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang
 tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon,
 sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at 
ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang
 paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang
 pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama;
 ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa 
mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.

Samantala, nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda

 ng isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay
 nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng
 karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan
, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya
 sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo,
 kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na
 lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong
 pangyayari.

Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama 

na nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang
 hotel sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat
 ng manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon,
 na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.

Kasama sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na

 malaon nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang
 Kastilang kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang
 kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t
 ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California,
 at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng
utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na
 kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si
 Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.

Ang libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang 

sa libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng 
karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan
 ay Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng
 kuro-kuro at paniniwala.

Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. 

Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang 
namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman 
at kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga 
pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang
 hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang
 hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista,
 hindi lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at
 lubos na tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo 
sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. 
Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang
 makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay
pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang
 paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.

Sa kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa

 pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na:
 iwan nati’t palipasin ang diin ng gabi."

Comments

Popular posts from this blog

Luha ni Rufino Alejandro

November 15 , 2013

Ika-14 ng Oktubre 2013 =)